-- Advertisements --

vico3

Arestado ang umano’y isang electricity permit fixer sa operasyon ng PNP Pasig kagabi.

Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, kita sa entrapment operation ang hawak nitong marked money.

Nakilala ang suspek na fixer na si Jeremiah Orallo, 28, walang trabaho at residente ng No. 2-1 Westbank Road Brgy., Maybunga Pasig City.

Pinaiimbestigahan na rin ni Mayor Vico at inaalam ng mga pulis kung may kasabwat ito sa city hall.

Subalit batay sa mga nakumpiskang dokumento peke raw ang mga pirma nito.

Binigyang-diin ng alkalde, marami ng pagbabago ang naipatupad sa Office of the Building Official sa pamumuno ni Engr. Agustin.

Ayon sa alkalde, dati may mga fixer na nandoon mismo sa loob ng tanggapan.

Binalaan naman ni Mayor Vico ang publiko na huwag makipagtransaksiyon sa mga fixers, at agad i-report ang mga aktibidad nito.

Giit ng alkalde walang fixer kung wala silang kliyente at walang scammer kung walang magpapaloko.

Panawagan naman ng mayor na agad i-report sa mga kinauukulan kung may mga humingi ng padulas.

Pinuri naman ni Secretary Jeremiah Belgica, director general, Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang city government ng Pasig City sa pagkaka-aresto sa building and electricity permit fixer.

Naaresto ang suspek sa isang convenience store sa Barangay Sto. Tomas, Pasig City.

Ang nasabing fixer ay nagpapanggap na isang engineer at sinisingil ang complainant ng P328,000 para sa pagproseso sa sa kaniyang building permit subalit binigyan siya ng pekeng permit at humingi pa ng dagdag na bayad at hindi ito otorisado na magproseso ng mga applications.

Kamakailan lamang naaresto ng Pasig City government ang ilang fixers na nagbebenta ng “Enhanced Community Quarantine (ECQ) ayuda” forms sa mga unqualified beneficiaries.

Samantala, nag-courtesy call naman kay Mayor Kit Nieto sa munisipyo ng Cainta si Mayor Vico.

Ayon kay Mayor Vico, may dalawang pirasong lupa ang LGU sa bayan ng Cainta at kaniyang pinaalam ang plano ng Pasig LGU sa naturnag lupa.

“Sa una, may pinapagawa tayong Mega Dialysis Center. at sa pangalawa, Socialized Housing site sa ilalim ng Rosario Floodway People’s Plan.”

Kanilang napag-usapan ang tatlo ng dekada na land/boundary dispute kung saan hihimayin ito ng kanilang mga technical staff.