CAUAYAN CITY – Tinutugis na ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang mga pinaghihinalaang sumaksak at pumatay sa isang binata na inihulog sa isang balong nasa likod ng bakanteng bahay sa Barangay San Fermin, Cauayan City.
Ang biktima ay si Edward Dalog, 19-anyos, binata at residente ng Barangay Labinab, lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Lt. Zosimo Zambrano ng Cauayan City Police Station na mayroon na silang gabay sa pagpatay sa biktima at kasalukuyan na rin nilang pinaghahanap ang mga suspek.
Inihayag pa ni Police Lt. Zambrano na natuklasan nila ang bangkay ng biktima dahil mayroong lumitaw na testigo sa pagkakatapon ng bangkay sa malalim na balon na iniulat nito sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa testigo nagkaroon lamang umano ng biro na nauwi na sa mainitang pagtatalo sa panig ng biktima at mga pinaghihinalaan at pananaksak kay Dalog.