-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police sa pagkamatay ng suspek ng pananaga sa Barangay Balatong dito sa lungsod ng Laoag.

Ayon kay Police Lt. Col. Joseph Baltazar, ang chief of police dito sa lungsod na bago ang pananaga ay pumunta pa ang suspek na si John Francis Baustista Bitagon sa bahay ng biktima na si Alex Domingo Bitagon, 69 taong gulang kung saan nagkuwentuhan ang mga ito ngunit makalipas ang ilang oras ay bumalik ito at pinagtataga ang biktima habang natutulog.

Sinabi nito na dahil dito ay nagtamo ng sugat sa mukha, likod at ang mismong mata ng biktima na sa ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.

Inihayag nito na makalipas lamang ng halos isang oras, bumalik na naman ang suspek sa bahay ng biktima at nag-amok dahilan para magresponde ang mga pulis ngunit ayaw pa ring tumigil kung saan nakahawak pa ng itak at bato.

Nabatid na tuloy-tuloy ang pag-amok ng suspek at sinusundan naman ng mga pulis hanggang ma-corner nila sa Sitio Nalasin at tinangkang tagahin ang isang pulis pulis kaya’t napilitan ang isa sa mga rumesponde na barilin ito dahilan ng kanyang sugat sa hita, balikat at tiyan.

Naitakbo ito sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Aniya, ang pulis na nakabaril naman ay restricted at isasagawa ang paraffin test, at ang kanyang baril ay nasa kustudiya ng Provincial Forensic Unit at isasagawa ang ballistic examination.

Samantala, sinabi naman ni Barangay Chairman Joseph Bitagon na bago ang insidente ay sinabi sa kanya ni John Francis na marami siyang kinakatakutan dahil pinagtutulungan daw umanon ito ng kanyang mga nakikita at marami pa siyang tinig na naririnig.

Dagdag nito na noong buwan ng Mayo ay tinangka rin ni John Francis na magpakamatay.