(Update) BACOLOD CITY – Matapos ang mahigit dalawang linggo, umamin na sa krimen ang suspek na pumatay sa isang babae sa harap ng Bacolod City Police Office noong Agosto 18.
Ayon sa hepe ng Bacolod Police Station 8 na si Major Charles Gever, nagsagawa ng extra-judicial confession ang suspek na si Tyron Barena, 27, at residente ng Purok 5, Barangay Taculing, Bacolod City at dito nito inamin na siya ang pumatay sa biktimang si Crystal Faith Jastiva.
Si Barena ay nahuli ng mga pulis noong Agosto 23 matapos umiwas sa checkpoint operation ng Police Station 4 sa Galo Street, Barangay 26 kung saan hinabol pa ito ng mga pulis.
Sa pag-amin ni Barena kahapon ayon kay Gever, isiniwalat nitong binayaran lamang siya ni Lablab Austria upang patayin si Jastiva na nagbisita sa kanyang live-in partner sa Metro Bacolod District Jail noong Agosto 18.
Base sa kanyang salaysay, naghintay sila sa labas ng BCPO headquarters at nang dumaan na sa kanilang tabi si Jastiva, kaagad niya itong binaril sa ulo.
Matapos ang krimen, tumakas sila ni Austria at dito na siya binayaran ng P2,000.
Aminado ang suspek na may utang ito kay Austria at ang pagpatay kay Jastiva ang kanyang bayad.
Makalipas ang ilang linggo, nakonsensya umano ang suspek kaya’t umamin sa nagawang krimen.