-- Advertisements --

VIGAN CITY – Sumuko na sa mga otoridad sa Vigan City police station ang suspek sa pamamaril sa isang lamayan sa Barangay Salindeg, Vigan City, Ilocos Sur .

Nakilala ang biktima na si Jenifer Quiton, 40, isang overseas Filipino worker na residente sa nasabing lugar habang ang suspek ay kapitbahay nitong si Edgardo Quidolit.

Base sa inisyal na impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, naglalaro umano ng baraha ang biktima sa lamay ni Evelio Banza nang lapitan ng suspek at binaril ng tatlong beses sa leeg.

Naitakbo sa Ilocos Sur Provincial Hospital-Gabriela Silang ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Samantalang ang suspek ay kaagad na tumakbo pagkatapos ng krimen ngunit kagabi ay sumuko na ito sa mga kinauukulan.

May mga umuugong na isyu hinggil sa nawawalang manok ang rason kung bakit pinatay ng suspek ang biktima dahil ito umano ang pinaghihinalaan ng biktima na nagnakaw ng mga alaga nitong manok na nawawala.