-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patuloy ang isinasagawang interogasyon sa isang bomber matapos itong mahuli sa isinagawang operasyon sa bahagi ng Maguindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kinilala ni Isulan PNP chief of police Lt. Col. Junie Buenacosa ang suspek na si Toten Karin Kuti, 27 anyos at residente ng Brgy. Madia, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.

Ayon kay Buenacosa, nadakip si Kuti sa kaniyang bahay sa Brgy. Madia sa bisa ng arrest warrant na isinilbi ng Isulan PNP katuwang ang PRO-12 Regional Intel Division, 2nd Mechanized Battalion ng Philippine Army at ng Maguindanao Police Provincial Office.

Iniuugnay rin ang naturang suspek sa mga insidente ng pamomomba katulad noong Isulan bombing noong Agosto 28, 2018 at ang tangkang pamomomba sa parada ni dating Isulan Mayor Diosdado Pallasigue noong Marso 2016 kung saan target ang naturang alkalde.

Nahaharap si Kuti sa dalawang counts ng kasong murder at multiple frustrated murder.

Dagdag ni Buenacosa, may mga impormasyon na umano silang nakuha kaugnay sa mga posibleng kasamahan ni Kuti na sangkot sa pamomomba sa Isulan at sa mga karatig na mga lugar.