NAGA CITY – Patay ang isang drug personality matapos na manlaban sa mga otoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Zone 1 Barangay Cagbunga, Gainza, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si Rommel Tamon residente ng Barangay Sabang, Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Cleo Sabas, Chief of Police ng Gainza Municipal Police Station, sinabi nito na matagal na umanong nagbebenta ng iligal na droga ang suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na habang isinasagawa ang naturang operasyon, dito na napansin ng suspek na mga pulis ang kaniyang ka-transaksyon kung kaya agad itong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis.
Dahil dito, agad namang gumanti ng putok ang mga otoridad na naging resulta ng agarang pagkamatay ni Tamon.
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang apat na piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu, isang caliber .22 na baril, isang piraso ng fired catridge, apat na piraso ng cartridges, limang piraso ng caliber 9mm fired cartridge cases at ang P500 na ginamit bilang buybust money.
Sa kabila nito, nabatid din na taong 2020 pa drug cleared ang bayan ng Gainza ngunit nang mag-lockdown umano noong Mayo 4, sa kasalukuyang taon ang Gainza Municipal Station ay tila nakabwelo ang suspek dahil walang police visibility sa nasabing bayan.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang narekober na mga drug paraphernalia habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente pati na rin ang posibleng pakakakilanlan sa dalawang iba pa.