-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Patay ang suspek sa pananaksak sa Barangay Bula, Gensan matapos nang-agaw ng baril sa mga pulis habang nasa patrol car matapos itong arestuhin.

Kinilala ang nasawing suspek na si Fernando Delasmarias, nasa hustong gulang at residente ng Purok 5, Rajah Muda, Bula.

Sinabi ni Gensan City Director PCol. Nicomedes Olaivar Jr., naaresto ng pulisya sa hot pursuit operation sa Purok 39, FVR village, Brgy Fatima sa lungsod ang suspek.

Habang sakay ng patrol car ang suspek at pagdating sa Diversion Road, sa gilid ng Alcantara Ranch, Brgy Sinawal, hiniling nitong umihi dahilan para tinanggalan ng posas ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla nitong hinablot ang baril ni Police Executive Master Sergeant Jemar Besa Besana at nagpaputok kayat kaagad itong binaril ng iba pang pulis.

Dinala sa ospital ang suspek dahil sa tama ng bala ng baril ngunit binawian rin ng buhay.

Bago ito, nangyari ang pananaksak sa Purok 4A, Rajah Muda, Bula na ikinasawi ni Paul Justin B. Besana, 30-taong gulang, may asawa at residente ng naturang lugar.

Si Delasmarias, isa sa mga suspek kasama sina Lando Delasmarias at Dodong Delasmarias sa pananaksak sa biktima gamit ang kitchen knife.

Bago ang insidente, nagtagpo ang biktima at tatlong suspek sa lugar at nagkainitan na dahilan ng pananaksak.

Tinamaan sa dibdib ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Inaalam pa ngayon ng Bula Police Station ang motibo ng insidente.