(Update) KORONADAL CITY – Mayroon na umanong sa person of interest na iniimbestigahan ngayon ang Maguindanao PNP kaugnay sa pananambang kay Shariff Aguak Vice-Mayor Akmad Ampatuan at dalawang security escorts nito.
Sinabi ni Maguindanao PNP director Col. Arnold Santiago na posibleng paghihiganti ang motibo sa pananambang sa bise alkalde.
Si Ampatuan ay isa sa mga testigo ng Maguindanao massacre case laban sa mga mismo nitong kamag-anak na sangkot sa naturang kaso.
Matatandaang sugatan si Ampatuan nang tambangan ng mga armadong lalaki habang sakay ng pulang Toyota Innova pasado ala una ng hapon kamakalawa sa national highway ng bayan.
Nasawi naman habang ginagamot sa ospital ang mga security escort nito na sina Elham Khalid at Hadji Akmad Lumenda Ampatuan.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na tinambangan ang bise alkalde at pangalawang pagkakataon din na siya ay nakaligtas.
Kaugnay nito, nananawagan naman ng dagdag na police escort ang mga local official ng Maguindanao.
Kasunod ito nang pananambang kay Shariff Aguak Vice-Mayor Akmad Ampatuan na ikinasawi ng dalawang security escorts nito.
Pinuna ng mga kamag-anak ng bise alkalde ang hindi pagbibigay ng police escort kay Ampatuan na pangalawang beses nang tinambangan.
Bukod kay Ampatuan, may mga local official din umano sa Maguindanao na walang police escort at buwis buhay na ginagawa ang kanilang tungkulin sa kabila ng nakaambang panganib.
Napag-alamang mula nang ideklara ang martial law Mindanao ay halos nawalan na ng mga police at military escort ang mga politiko sa Maguindanao.