-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nabaril ng dalawang beses ang suspek sa Anti-Illegal Drug Buy-bust Operation na si Jay Ar Cabigun, 30 anyos, driver, residente ng Barangay 16 sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte at tubong Mindanao.

Ayon kay P/Maj. Eduardo Santos, Hepe ng San Nicolas Police Station, nabaril ang suspek matapos itong manlaban sa mga pulis.

Agad umanong nagpaputok ng baril ang mga pulis matapos bumunot ng calibre 45 na baril ang suspek at gumamit pa ng kutsilyo.

Dahil dito, tinamaan sa kamay at dibdib ang suspek.

Aniya, nananatili sa ospital ang suspek at binabantayan ng mga pulis.

Kaugnay nito, sinabi ni P/Maj. Santos na naaresto rin ang live in partner ng suspek na si Marietta Alfonso Barioga sa operasyon kung saan sumailalim ito sa drug test at hinihintay pa ang resulta.

Dagdag pa niya, humigit-kumulang isang gramo ang bigat ng hinihinalang shabu na nakuha mula sa suspek.

Ang suspek ay itinuturing bilang isang Street Level Individual at nasa ilalim ng monitoring sa loob ng isang buwan.

Una rito, nagtago rin ang suspek sa loob ng CR kung saan sinira ng mga awtoridad ang pinto ng kanyang pinagtataguan para mahuli ito.