-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — May natukoy nang “person of interest” ang mga otoridad kaugnay sa brutal na pagpatay sa isang 14-anyos na dalagita na natagpuang naaagnas na ang bangkay sa madamong bahagi ng Brgy. Pagsanghan, Banga, Aklan.

Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Corporal Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office (APPO) na hindi muna nila ihahayag ang pangalan ng naturang “person of interest” dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Bago nakita ang bangkay ng dalagita, dalawang araw muna siyang nawala na nagpaalam lamang sa kanyang pamilya na pupunta sa isang computer shop dakong alas-5:00 ng hapon noong Mayo 6.

Batay sa resulta ng autopsy examination sa katawan ng biktima, hindi ito nagahasa at ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay dulot ng paghampas ng matigas na bagay sa kanyang ulo at pagsakal.

Nabatid na isang putol na kawayan ang nadiskubre ng mga otoridad malapit sa bangkay ng biktima na pinapaniwalaang ginamit ng suspek o mga suspek sa krimen.