-- Advertisements --

KORONADAL CITY — Nasa kustodiya na ngayon ng Koronadal City PNP ang suspek sa brutal na pagpatay sa 55-anyos na negosyante sa Purok Garcia, Barangay Rotonda, nitong lungsod.

Ito ang kinumpirma ni Mayor Eliordo Ogena, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang naaresto na si Clint Peñaranda Caligdong, 21-anyos, laborer at residente ng Purok Kahirup, Barangay Sto. Niño, Koronadal City.

Naaresto ang suspek sa isang buy-bust operation sa Purok Poticar, Barangay GPS, Koronadal City kaninang hapon.

Nakuha din sa posisyon ng suspek ang cellphone ng biktima kung saan inamin mismo nito na siya ang may kagagawan ng krimen.

Natukoy ang suspek dahil sa mga ebedensiyang natipon ng pulisya.

Matatandaan na natagpuan na lamang na wala nang buhay sa loob ng bahay nito ang biktimang si Carolina Fuentes na nagtamo ng 37 saksak sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan noong Hunyo 19, 2021.

Napag-alaman na ninakawan ng suspek ng P1,000 ang biktima ngunit nagising umano ito dahilan kung bakit niya ito pinagsasaksak hanggang bawian ng buhay.

Sa ngayon, maituturing nang hustisya ang pagkakaaresto sa suspek.