Hindi na kailangan pang isailalim sa panibagong drug test ang principal suspect sa Bulacan massacre.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa, wala na siyang nakikitang dahilan para muling isailalim sa drug test si Carmelino Ibanez na una ng nagnegatibo sa resulta.
Sinabi ni Dela Rosa na umamin naman ang suspek na gumamit siya ng bawal na gamot bago ginawa ang krimen laban sa limang miyembro ng pamilya sa Bulacan.
Hindi na rin aniya mahalaga kung magpositibo pa ito o hindi sa drug test dahil hindi naman droga ang kaso nito, kundi murder.
Una ng sinabi ng PNP chief na posibleng mahina o mababang klase ng droga ang ginamit ni Ibanez at dahil dito, matapos ang 48 oras, ay mawawala na ito sa katawan o sistema ng isang tao.