VIGAN CITY – Tiniyak ng Public Attorney’s Office (PAO) na sa lalong madaling panahon ay makakamit na ng pamilya ni Christine Lee Silawan ang hustisya sa brutal na pagpatay sa biktima noong March 11 sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni PAO Chief Persida Rueda Acosta na sa ngayon ay mas pinaghigpit pa nila ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa kaso ni Silawan pagkatapos ng isinagawa nilang forensic examination sa bangkay ng biktima bago ito inilibing.
Sa nasabing eksaminasyon, napatunayan na ginahasa muna ang biktima bago ito brutal na pinatay.
Napag-alaman din na nabuhusan pa ng asido ang mukha ng biktima kaya nalapnus ito.
Naniniwala din ang PAO na hindi lamang isa o dalawa ang nasa likod ng nasabing pamamaslang kaya sa ngayon ay naghahanap pa sila ng mga posibleng person of interest sa pangyayari.
Ipinangako naman ng opisyal na hindi sila titigil hangga’t hindi makamit ng pamilya ng biktima ang inaasam nilang hustisya.