TACLOBAN CITY – Hindi pa rin makapaniwala sa ngayon ang isang 48 taong gulang na lalaki sa ginawang karumaldumal na krimen sa kanyang kainuman sa bahagi ng Culaba, Biliran.
Ito ay matapos na pinatay gamit ang chainsaw ng suspek na si Roger Paje ang kaniyang kainuman na asawa lang mismo ng kanyang pamangkin.
Ayon kay Police Lt. Isidoro Ancero Jr, Hepe ng Culaba PNP na kinausap mismo nito ang suspek kung bakit niya nagawa ang naturang krimen at ang tanging sambit lamang nito ay wala siyang natatandaan sa ano mang pangyayari at ang pag-aakala nito ay nanaginip lamang ito.
Kuwento ng suspek na nanaginip daw ito na may pinuputol na isang punong kahoy na pinaniniwalaang mayroong nakatirang engkanto.
Labis naman ang pagsisisi nito at hindi lubos na akalain na ang kaniyang kainuman na pala ang kaniyang na chop-chop ng chainsaw.
Batay sa imbestigasyon ng PNP, wala namang problema sa pag-iisip ang suspek bagkus ay nasa impluwensiya lamang ito ng nakakalasing na inumin nang mangyari ang krimen.
Ayon sa pamilya ng suspek, lagi nilang binabantayan si Paje sa tuwing nag-iinom ito dahil nagiging bayolente ito sa tuwing nalalasing.
Sa ngayon ay pormal na na sinampahan ng Culaba PNP ng kaukulang kaso ang naturang suspek.