BAGUIO CITY – Patay ang isang lalaki matapos maaksidente ito habang tumatakas matapos pagbabarilin ang tatlong kalalakihan sa Naguilian Road, MRR Queen of Peace, Baguio City kagabi.
Nakilala ang nasawing suspek na si Rubillo Balmonte Distor, 43-anyos, driver, tubo ng Pozorrubio, Pangasinan.
Nakilala din ang mga biktima na sina Bernard Aglaba Carbonell, 45, driver; Peter Carbonell Salvador, 47, construction worker at si Niño Boy Arellano Carbonell, 35.
Pawang residente ng MRR Queen of Peace Barangay, Baguio City ang mga ito.
Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, nagmula ang mga biktima at ang suspek sa isang birthday party.
Gayunman, nang makarating sila sa pinangyarihan ng pamamaril ay nagkaroon ng mainit na argumento sina Distor at Bernard Carbonell na nagresulta sa pagbaril ni Distor sa tatlong biktima.
Agad tumakas ang suspek sa pamamagitan ng sasakyan nitong closed van ngunit habang tumatakas ay naharang ito ng sasakyan ng mga pulis na nagresulta sa hot pursuit operation.
Gayunman, habang papatakas ay naaksidente ang van na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek.
Itinakbo naman sa pagamutan ang mga biktima para sa agarang medical attention.
Nagtamo si Bernard Carbonell ng isang tama ng baril sa kanyang dibdib habang nagtamo ng isang tama ng baril si Peter Salvador sa kanyang kaliwang hita at nagtamo naman si Niño Boy Carbonell ng tig-isang tama ng baril sa kanyang dalawang hita.