CAUAYAN CITY – Nadakip na ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang isa sa 7 suspek sa karumal dumal na pagpatay sa binatang itinapon sa balon sa Dacanay Street Extension, barangay San Fermin.
Ang pagkakaaresto ng suspek na si Reymond Taguintin, na kabilang sa Number 1 Most Wanted Person City Level at residente ng Albano Street, District 3, Cauayan City ay limang buwan matapos matagpuan ang katawan ng biktima sa isang balon.
Matatandaan na matapos umanong pagtulungang bugbugin at saksakin ng 5 suspek ang biktimang si Edward Labog, 27 anyos, binata at residente ng barangay Labinab, Cauayan City ay ihinulog pa siya sa balon na nasa compound ng isang apartment at binagsakan ng mga buhangin, bato at tela.
Inilabas ni Judge Ariel Palce ng Regional Trial Court Branch 40, Cauayan City ang warrant of arrest laban sa 7 suspek sa kasong murder.
Sa isinagawang intelligence monitoring ng Cauayan City Police Station ay nadakip ang isa sa pitung suspek na si Taguintin,.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Taguintin, sinabi niya na wala umano siya sa pinangyarihan ng krimen nang mangyari ang pananaksak kay Labog dahil sa nagtungo na umano sila noon sa lugawan…
Naiwan umano noon ang iba pa nilang kasamahan na siya umanong nanaksak at nambugbog sa biktima.
Maaring idinawit lang umano ang kanyang pangalan dahil sa dati na siyang naharap sa kasong frustrated murder.