-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang report tungkol sa isang canteen sa Tabaco port na umano’y nagbebenta ng pekeng antigen test result sa mga biyahero sa halagang P1,000.

Una rito, mismong si Catanduanes Governor Boboy Cua ang nagkumpirma sa balita matapos na isang biyahero na pumasok sa kanilang lalawigan ang nakunan ng mga pekeng test results.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Stephen Aguas ang Port Manager ng Tabaco Port, nakaabot na sa kanila ang report at pinaiimbestigahan na rin ang mga canteen na nasa paligid ng pantalan na maaring responsable sa insidente.

Tiniyak nito na hindi sa loob ng Tabaco port nag-ooperate ang mga suspek dahil mahigpit ang kanilang isinasagawang pagbabantay at tanging mga otorisado lamang ang nakakapasok.

Nangako itong makikipagtulungan sa mga otoridad upang mapigilan ang pagkalat ng pekeng test results na nakakaapekto sa kampanya ng gobyerno laban sa COVID-19.