BUTUAN CITY- Haharap sa kasong paglabag ilalim sa Article 315 at 316 ng Revised Penal Code or “Syndicated Estafa” ang mga naarestong suspek sa likod ng Red Dragon investment scheme ng Bayugan City.
Naaresto ang mga suspek sa tulong ng Agusan del Sur Provincial Intelligence Unit at Regional Intelligence Division 13, personnel ng Bayugan City Police Station kung saan ginawa ang entrapment operation sa loob ng fast food chain sa Bayugan City.
Kinilala ang mga suspek na sila Angelyn Sag-Od Cano, babae, 27 anyos, menyo, at residente ng P-1A, Barangay San Juan sa Bayugan City; Edward Cruz Salin, 42 anyos, married, mula sa Ira Housing sa Barangay Tiniwisan, Butuan City; Danica Tizado, babae, 25 anyos, single at residente sa P-15, Brgy. Doongan, Butuan City; at Roy Bomotano Celis, 23 anyos, single, at residente sa Balabad Compound, Libertad, Butuan City.
Samantala, si Edwin Sag-od Saguyong, isa sa nakilalang miyembro at rekruter ng grupo ay nanatiling malaya pa.
Sa panahon ng pagsisiyasat ng mga pulis natuklasan ng mga ito na ang grupo ay nagpapatakbo sa pamamagitan ng mga tawag sa telepono at mga meet up lamang kung saan ipinapangako nila sa kanilang mga kliyente / biktima na may 30% increase sa kanilang inilaang pamumuhunan.
Nakumpiska ng mga operating troops mula sa kanilang pag-aari ang 10 piraso ng Php1,000 bilang marked money; isang kotseng Toyota Rush na may plate number GAU 6181; anim na cellular phone; apat na bundle ng pekeng pera (342 piraso sa halagang Php1,000 bawat isa); at tunay na pera na nagkakahalaga ng Php52,207.00 sa iba`t ibang denominasyon.
Sa ngayon pinayuhan ng PNP Caraga ang nakararami na kung mayroon pang mga investment o online schemes sa kanilang lugar, pweding kumuntak ang publiko or i-report sa malapit na City/Municipal Police Stations.