Posibleng maharap pa sa mas maraming kaso ang suspek sa madugong road rage sa EDSA-Ayala Tunnel sa bahagi ng Makati City na ikinasawi ng isang driver.
Ito ang inihayag ng Philippine National Police sa gitna ng kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa nasabing kaso.
Ayon kay PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo, bukod sa paglabag nito sa pagdadala ng baril nang walang permit ay may iba pa itong nilabag na batas tulad na lamang ng hindi otorisadong pagpapalit ng plaka.
Aniya, dahil dito ay nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms nd Ammunition Regulation Act, o Republic Act No. 10591, at Land Transportation and Traffic Code, o RA 4136, gayundin sa kasong pamamaslang sa biktima.
Kaugnay nito ay ipinag-utos na rin ni LTO chief vigor Mendoza II na suspindihin sa loob ng 90 araw ang driver’s license nito kaugnay naman sa dalawang Administrative cases laban sa kaniya na kinabibilangan ng Reckless Driving at “Improper person” operation a motor vehicle.
Samantala, hanggang sa ngayon ay nananatiling nasa kustodiya ng mga otoridad sa Camp Crame ang suspek at inaasahan din na isasailalim na sa kaukulang inquest proceedings sa Makati City.