-- Advertisements --

Nagpakamatay umano sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo ang teenager na suspek sa nangyaring pamamaril sa isang food festival sa hilagang California na kumitil sa buhay ng tatlong katao.

Ito ang lumabas sa otopsiya na isinagawa ng mga otoridad, na una nang nagsabi na napatay daw ng pulisya ang 19-anyos na suspek na si Santino William Legan.

Ayon kay Cindy Gallego, spokesperson ng Santa Clara County coroner’s office, binawian daw ng buhay si Legan makaraang barilin nito ang kanyang bibig.

Hindi naman nito sinabi kung nagtamo ba ng sugat si Legan bunga ng pakikipagbarilan nito sa mga pulis.

Samantala, pinuri ni Gilroy Police Chief Scot Smithee ang tatlong opisyal na walang takot na hinarap ang suspek.

Sinabi ni Smithee, maaari raw lumaki pa ang bilang ng mga casualty kung hindi nila kinompronta ang gunman.

Ang tatlong mga nasawi sa pamamaril ay kinabibilangan ng isang anim na taong gulang na batang lalaki at 13-anyos na babae.

Sa imbestigasyon ng pulisya, gumamit daw si Legan ng isang “AK47-variant” ng assault-style rifle, na ligal daw nitong binili sa Nevada. (Reuters)