-- Advertisements --

VIGAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagpapa-ulan ng bala sa bahay ng isang supporter ng Abra re-electionist governor na si Maria Jocelyn Valera-Bernos at ng kaalyado nito na si Dolores, Abra mayoralty candidate Engr. Conde Turqueza, noong gabi ng May 9 sa Barangay Bayaan, Dolores.

Una rito, kumakain umano ng hapunan ang biktimang si Edito Tubadeza Espiritu, 59-anyos, at ang kaniyang pamilya nang dumating ang suspek na si Michael Galera, 23-anyos na taga-Isit, Dolores, at saka nagpaulan ng bala.

Sa nasabing pangyayari, natamaan ng bala sa dalawang hita si Espiritu samantalang nadaplisan naman ng bala sa kanang pisngi ang pitong taong gulang na apo nito.

Napag-alaman na si Galera ay driver-bodyguard nina Dolores Mayor-Abra gubernatorial candidate Robert Seares Jr., at ng kapatid nito na si Dolores mayoralty candidate Ronald Seares, na kalaban nina Bernos at Turqueza.

Mariin namang pinabulaanan ni Mayor Seares ang bintang sa kaniyang tauhan at sinabi nitong hindi magagawa ni Galera ang manakit ng kapwa.

Kaugnay nito, nakiusap si Bernos sa mga pulis at sundalo sa lalawigan na gawing pantay-pantay ang pagprotekta sa mga taga-Abra kahit sinumang kandidato ang kanilang sinusuportahan.