-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Inako mismo ng 40-anyos na suspek ang pangagahasa at pagpatay sa biktimang anim na taong gulang na batang babae na nakita na lamang sa gilid ng ilog sa bahagi ng Brgy. Kolambog, Isulan, Sultan Kudarat noong nakaraang linggo.

Ito ang inihayag ni PLt. Col. Romeo Galgo Jr., hepe ng Isulan Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang suspek na si Jay Albestor, residente ng nasabing lugar at kaibigan umano ng pamilya ng biktima.

Ayon kay Galdo, inako ng suspek ang ginawang krimen at sinabing ginawa lamang niya ito dala ng kalasingan.

Sa judicial confession ng suspect, isinalaysay nito ang pag-aaya sa bata upang bumili ng candy dahilan na sumama ito sa kanya.

Kinarga pa umano nito ang bata at dinala sa gilid ng ilog at doon ginawa ang panghahalay sa biktima hanggang sa mapatay ito.

Pormal namang sinampahan na ng kasong rape with homicide si Albestor.

Una rito, noong Sabado lamang ng gabi nadakip ang suspek matapos magtago sa liblib na lugar sa isang barangay sa bayan ng Banga.

Nalaman na may dalawang anak ang suspek habang patay na ang asawa nito.

Masasabing naman umanong close na ang kaso ngunit nagpaalala ang pulisya sa mga magulang na huwag pabayaan at bantayan ang kanilang mga anak.