(Update) Hindi isinasara ng pulisya ang posibilidad na isailalim sa drug test ang suspek na gumahasa at pumatay sa isang taong gulang pa lamang na baby boy sa Brgy. San Antonio, Makati City.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Makati police spokesperson Maj. Gideon Ines na lulong sa alak ang suspek na si Gerald Reparip, 27-anyos, nang maaresto ng mga opisyal nitong madaling araw.
Nitong hapon ng Miyerkules nang aminin ng suspek ang pagsakal at pananamantala sa biktimang si John Angelo Salenga.
Sa ngayon nananatili sa kustodiya ng Makati police si Reparip at nakatakdang sampahan ng mga kasong rape with homicide at paglabag sa anti-child abuse law.
“Titingnan natin yan kung ano yung legal way para mapasailalim sa drug test, pero initially itong suspek nung nahuli ay lango sa alak.”
Batay sa ulat, Martes ng gabi nang hanapin ng mga magulang nito ang sanggol.
Huli raw kasi itong nakita na bitbit ng suspek matapos bumisita at makipag-inuman sa katrabaho na lolo ng biktima.
Pasado alas-12:00 nitong madaling araw nang matagpuan na wala ng malay at saplot ang sanggol sa abandonadong gusali na tinutuluyan ng pamilya bilang mga caretaker.
“Natagpuan (‘yung bata) sa abandonadong building. Sa 7th floor kung saan sila nakatira. Nakakita ng diapers yung imbestigador sa crime scene. Pagdating nila sa ospital, nakita nila ‘yung katawan nung bata na malaki ‘yung butas ng puwet. May mga pasa rin sa katawan, may dugo ‘yung ilong. May (indikasyon din) ng unto, lamog ‘yung ulo.”