Pinaghahanap na ng mga otoridad sa India ang dalawa pang suspek na sangkot sa pagkamatay ng isang buntin na elepante matapos itong pakainin ng prutas na may pampasabog.
Inaresto ng mga pulis ang isang plantation worker dahil ito ang hinihinalang naglagay ng paputok sa prutas upang ilayo ang mga hayop mula sa rubber plantation.
Makikita sa viral video na ilang oras nakatayo sa gitna ng ilog ang elepante habang iniinda ang sakit na nararamdaman sa kaniyang bibig. Unti-unti itong nanghina at namatay.
Sinabi ni Surendra Kumar, chief wildlife warden sa Kerala, umamin daw ang suspek sa ginawang krimen kung saan marami pa raw itong inihandang “coconut bombs” at iniwan malapit sa boundary ng plantasyon.
Hindi raw malinaw sa mga kapulisan kung kailan kinain ng kawawang hayop ang prutas ngunit namataan itong sugatan noong May 25.
Kalimitang ginagawa ng mga mamamayan sa India ang paglalagay ng pampasabog sa mga prutas para targetin ang mga hayop na maaaring maging sanhi ng pagkasira ng kanilang mga tanim.