-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Makalipas ang ilang oras, umamin na rin ang suspek sa pagmasaker sa apat na mga kaanak sa Gardenville Subdivision, Barangay Tangub, Bacolod City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Joery Puerto, station commander ng Bacolod Police Station 8, inamin ni Christian Tulot alyas Dondon kaninang madaling-araw na isa sa mga pumatay sa tiyahin na sina Jocelyn Nombre at Gemma Espinosa, pinsan na si John Michael Espinosa at anim na taong gulang na pamangking babae.

Ayon kay Puerto, inaasikaso na ng imbestigador na makuha ang extra-judicial confession ni Dondon sa presensya ng abugado.

Aminado ang hepe na humupa na ang epekto ng illegal na droga sa utak ni Dondon kaya’t umamin ito sa brutal na krimen.

Isinalaysay umano ni Dondon na tatlo silang pumatay sa apat na kaanak.

Ayon dito, kanilang minartilyo sa ulo ang kanyang mga tiyahin, pinsan at pamangkin.

Ayon sa suspek, isa sa kanyang mga kasama ay ang tiyuhin na si Joel Espinosa na nakatira din sa parehong subdivision.

Dahil dito, inimbitahan kanina ng Bacolod Police Station 8 si Joel para sa questioning.

Ayon sa pamilya Espinosa , may problema sa pag-iisip si Joel.

Kampante naman ang hepe ng pulis na kanilang mareresolba ang krimen dahil consistent na rin ang mga salaysay ni Dondon.

Sa ngayon, pinaghahanap pa ang isa pang suspek na hindi pa pinangalanan.