KORONADAL CITY – Patay ang isang suspek sa pagnanakaw ng kambing matapos na mabaril ng caretaker ng isang goat farm sa Purok Aquino, Barangay Concepcion,lungsod ng Koronadal.
Ito ang kinumpirma ni Barangay kapitan Mema Joquinio sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang nasawi na si Dexter Velasquez Dela Cruz, 21, estudyante at residente ng Norala, South Cotabato.
Habang ang caretaker na nakabaril sa biktima ay si Jimmy Mamon Villa, 52, may asawa at residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay Joquinio, nagreklamo na sa barangay ang caretaker ng nasabing goat farm sa nangyaring pagnanakaw ng mga kambing kaya’t mahigpit nitong binantayan.
Kaya’t kagabi nang napansin ni Villa na may tatlo katao na hila-hila ang kambing kaya’t agad itong nagpaputok ng warning shot at tinamaan si Dela Cruz ngunit tumakas naman ang dalawa pang kasamahan nito.
Agad naman na rumesponde ang mga BPAT’s ng barangay at dinala sa South Cotabato Provincial Hospital ang suspek ngunit idineklarang dead on arrival.
Narekober naman sa crime scene ang isang unit ng homemade na 12 gauge shot gun na ginamit ng caretaker at nasa kustodiya na ito ng mga otoridad.