-- Advertisements --
image 710

Natukoy na ang suspek sa pagpatay sa 22 anyos na babaeng estudyante ng De La Salle University- Dasmariñas sa lalawigan ng Cavite ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ito ay kasunod ng isinagawang hot pursuit operation na ikinasa ng Dasmariñas City Police Station at Cavite Police Intervention Unit na nagresulta sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng suspek na si Angelito Erlano, isang residente ng Barangay San Nicolas 2.

Kung saan narekober mula sa bahay ng suspek ang kulay asul na damit at itim na short na pinaniniwalang suot ng suspek nang isinagawa nito ang karumal-dumal na krimen at isang black backpack na pagmamay-ari umano ng biktima.

Lumalabas din sa records ng pulisya na may dati ng kaso ng pagnanakaw ang suspek.

Patuloy naman ang hot pursuit operation ng tracker team sa lugar para sa ikadarakip ng suspek at inihahanda na ang case-build up laban sa suspek.

Matatandaan na noong Marso 28, natagpuan ng caretaker ng Rolisa Dormitory na wala ng buhay ang biktimang estudyante sa loob ng kaniyang kwarto.

Base sa autopsy report mula sa Cavite Provincial Forensic Laboratory, namatay ang biktima dahil sa multiple stab wounds o saksak sa kaniyang leeg at katawan.

Una na ring inanunsiyo ni Cavite 4th District Rep. Pidi Barzaga ang pabuya na aabot sa P1.1 million gayundin nagbigay ng pabuya ang Dasmariñas City government at iba pang mga opisyal para sa mabilis na ikadarakip ng suspek.