LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkamatay ng isang pitong taong gulang na batang lalaki na nadiskubre ang kalansay sa Barangay Bonga, Legazpi City.
Kinilala ang biktima na si Clark Jester Almodovar mismo ng kanyang lola na si Lilia Miña base sa suot nitong damit at tsinelas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kapitan Micheal Miña, base sa rekord ng kanilang barangay, nagpa-blotter umano ang lola ng biktima na nawawala na ito noong Oktubre 28.
Nabatid na huling nakasama ng biktima ang kanyang ina na si Rona hanggang sa makatanggap na lang ng text message ang lola na nagpapahiwatig na patay na ang kanyang apo.
Dahil dito, malakas ang paniniwala ng kaanak ng biktima na mismong ang ina raw nito ang suspek sa insidente lalo pa’t nagalit umano si Rona ng madiskubre ang kanyang kalaguyo matapos na isumbong ng anak.
Sa ngayon, hinihingan pa ng reaksyon ang ina patungkol sa nasabing alegasyon, habang patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP.