-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Pomal nang sinampahan ng kaso ang suspek sa panghahalay, pagpatay at pagtapon ng isang pitong taong gulang na batang babae sa basurahan sa Villa Miranda, Brgy. 6A, Victorias City, Negros Occidental nitong Linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay P/Cpt. Joy Ellaga, deputy chief ng Victorias City Police Station, kasong rape with homicide ang isinampa laban kay Mark Besa.

Ang kaso ay isinampa sa Victorias City Prosecutor’s Office bago mag-lapse ang reglementary period of detention ni Besa, alas-12:00 nitong Martes ng tanghali.

Naging mahigpit ang seguridad na ipinatupad ng mga pulis mula sa Victorias Police Station hanggang sa prosecutor’s office dahil maraming mga residente ang nag-abang sa labas.

Ayon kay Ellaga, layunin nilang maiwasan ang gulo at hindi masaktan ng galit na mga residente ang suspek.

Nagsilbing saksi sa krimen na nag-subscribe ng affidavit ang misis at mga anak ni Besa, kabilang na ang ilang residente sa lugar.

Sinabi ni Ellaga, inamin ni Besa ang krimen ngunit itinanggi nito na may kinalaman si Jeffrey Belorio na una nang kinustodiya ng mga pulis.

Nilinaw umano ni Besa na magkasama lang sila ni Belorio na gumamit ng iligal na droga nitong Linggo ng umaga ngunit hindi nito ginalaw ang biktimang si Janelle Mae Didal.

Dahil dito, pinalaya na rin si Belorio.