Iniulat ng Presidential Task Force on Media Security na arestado na ng mga otoridad ang isang suspek sa pagpatay sa broadcaster na si Eduardo Dizon noong taong 2019.
Sa ulat ng Special Investigation Team Dizon, kinilala ang naturang suspek na si Junelle Jane Andagkit Poten na naaresto nitong Mayo 2, 2024 sa ikinasang operasyon ng pinagsanib-puwersang mga tauhan ng Police Regional Office 12 at Makilala Municipal Police Station na pinangungunahan naman ni LtCol John Miridel Racho Calinga.
Na-timbog ang naturang suspek sa bahay ng isang barangay kagawad sa Barangay Saguing, Makilala, Cotabato sa impormasyon na rin na ibinigay ng isang informant sa mga otoridad hinggil sa lokasyon ng naturang suspek.
Ayon sa Presidential Task Forces on Media Security, mas napagtibay pa ang pag-aresto at ang kaso ni Poten matapos siyang positibong kilalanin ng mga testigo sa kinasangkutan nitong krimen.
Kung maaalala, si Dizon ay pinatay sa Kidapawan City noong Hulyo 10, 2019 matapos pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki.
Bukod sa kaniya ay nahaharap din sa murder complaints ang broadcaster na si Dante Encarnacion Tabusares na kilala bilang Bong Encarnacion na pinaniniwalaang lider ng Kabus Padatuon (Kapa) Community Ministry International Inc. sa Cotabato, at isang Sotero “Jun” Jacolbe Jr., na kapwa dawit naturang krimen.
Gayunpaman ay na-acquit sa naturang kaso si Jacolbe at nagawa nitong makalaya matapos na makapag-piyansa.