-- Advertisements --

VIGAN CITY – Inilipat na sa Ilocos Sur provincial jail ang nahuling suspek sa pagpatay sa magkapatid sa lalawigan, partikular sa Maynganay Norte, Sta. Maria noong gabi ng Agosto 16 ng kasalukuyang taon.

Nahuli ang suspek na si Roberto Torres Gapusan, 48, seaman at residente ng Sitio Darurog, Maynangay Norte, Sta. Mari pagkatapos ng ilang buwang pagtatago nito.

Kasama si Gapusan sa Top 10 Most Wanted Person sa provincial level dahil sa two counts of murder na kinakaharap nito dahil sa brutal na pagkamatay nina John Glenn at Johanes Paul Taguibao noong Agosto.

Una rito, dumalo si Johannes Paul sa isang birthday party sa lugar ng suspek ngunit hindi na ito nakauwi pa kaya hinanap ito ng kaniyang kapatid na si John Glenn hanggang sa pinaniniwalaang nakita nito ang brutal na pagpatay sa kaniyang kapatid na ibinaon pa sa lupa ng suspek at mga kasamahan nito.

Dahil dito, tumakbo umano si John Glenn ngunit nakita ito ng isa sa mga kasamahan ng suspek kaya hinabol nila ito at pinagbabaril kung saan nagtamo ito ng walong tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang rason ng kaniyang pagkamatay.