Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga lokal na otoridad sa Abu Dhabi tungkol sa nagpapatuloy na imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng isang overseas Filipino worker (OFW) doon.
Una nang kinumpirma ng DFA na nakita na ang bangkay ng OFW na si Mary Anne Daynolo matapos itong mapaulat na nawawala noong Marso ng nakaraang taon.
Sa isang pahayag, sinabi ng kagawaran na kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek sa pagpatay kay Daynolo na kasamahan nito sa pinagtatrabahuan nilang hotel.
Maliban sa mga otoridad sa Abu Dhabi, nakikipag-ugnayan din ang ahensya, sa pamamagitan ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs, sa pamilya ni Daynolo.
Una na ring sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na gagawin ng kagawaran ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng naturang OFW.
Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nagsasagawa na ng autopsy at DNA test ang National Bureau Investigation sa naaagnas at halos puro buto na lang na labi ni Daynolo.
Paglalahad pa ni Bello, humiling din sa mga otoridad ang mga magulang ni Daynolo na tiyaking bangkay nga ng kanilang anak ang sinusuri ng NBI.