ILOILO CITY – Inaasahan na ring makakamit ang hustisya para sa Ilonggo overseas Filipino worker (OFW) na pinaslang at isinilid sa septic tank sa South Korea ng kanyang kapwa Pilipino.
Ito’y matapos mahuli na ng National Bureau of Investigation (NBI) International Operations Division ang suspek na isa ring OFW.
Ang biktima ay una nang kinilalang si Michael Angelo Claveria, 34 , residente ng Barangay Poblacion Rizal, Ilawod, Cabatuan, Iloilo at ang suspek naman ay natukoy na si Yugoslav Magtoto na parehong nagtatrabaho noon bilang factory workers sa Shinwa Meister sa South Korea.
Ayon kay Ronald Aguto, chief ng NBI Interpol, si Magtoto ay nahuli sa Candaba, Pampanga, sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 20.
Si Magtoto ay nagalit umano matapos tanggihan ni Claveria na makipagrelasyon sa kanya.
Napag-alaman na naglabas din ng “red notice” ang Interpol laban kay Magtoto na nahaharap sa kasong murder, exploring tombs, larceny, at paglabas sa Specialized Credit Finance Business Act.
Matandaan na matapos pinaslang ng suspek ang biktima noong 2025, ninakaw pa nito ang mobile phone, wallet, at 1,190,000 Korean won mula sa debit card si Claveria.
Natagpuan ng mga otoridad sa South Korea ang mga buto ni Claveria sa isang septic tank sa paint factory ng DOIL Industrial Technologies noong Abril 2018.
Noong nakaraang taon ay naibalik na rin sa Pilipinas ang labi ni Claveria.