CENTRAL MINDANAO – Nagbitiw umano ng salita si Dante Tabusares alyas Bong Encarnacion mastermind sa pagpatay sa radio broadcaster na si Eduardo “Ed”Dizon sa Kidapawan City na ayaw nitong pahuhuli ng buhay sa mga otoridad.
Armado umano ang suspek at may mga security escort nang mamataan siya sa isang bayan sa probinsya ng Cotabato.
Sinabi naman ni Kidapawan City Chief of Police Lieutenant Colonel Rammel Hojilla na walang politikong nagkakanlong at nagtatago sa suspek.
Wala din protektor na PNP o kaya sundalo si Bong Encarnacion dahil mismong mga pulis pa nga ang nagsampa ng kaso nito sa korte.
Nilinaw ni Hojilla na hindi nagpabaya ang pulisya at patuloy nilang pinaghahanap ang suspek.
May mga lugar nang minamanmanan ang mga otoridad na posibling doon nagtatago si Bong Encarnacion.
Matatandaan na naglabas ng warrant of arrest si RTC 12 Branch 61 Judge Henelinda Molina Diaz laban sa suspek sa kasong murder at walang nirekomendang piyansa.