-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek sa likod ng pamamaril sa Barangay Capaculan, Milagros, Masbate kung saan tatlong katao ang namatay at limang iba pa ang nasugatan.

Inalerto na ng PNP ang mga police station sa kalapit na bayan upang magsagawa ng pagpapatrolya at checkpoint sa mga maaring daanan ng mga suspek.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Rustom Dela Torre, hepe ng Milagros PNP, lumabas umano sa kanilang imbestigasyon na nasa loob ng kanilang tahanan ang mga biktima ng bigla na lamang na paulanan ng bala ng mga suspek gamit ang caliber 9mm, caliber 45 pistol at caliber 5.56 rifle.

Agad na binawian ng buhay sa naturang insidente sina Bengie Cataga, Jonel Verona, at Jeddah Raven habang sugatan naman at nagpapagaling pa sa ospital sina Juanito Cataga, Artemio Cataga, Michille Cataga, Niño Rosero at Felomina Dizon.

Hindi pa rin malinaw sa ngayon kung ano ang posibleng motibo sa krimen subalit may person of interest na umano ang PNP na posibleng nasa likod ng pamamaril sa dalawang pamilya.