LEGAZPI CITY – Hawak na ngayon ng Virac Municipal Police Station ang itinuturong primary suspect sa pamamaslang sa isang guro sa Virac, Catanduanes.
Duguan at wala nang buhay nang matuklasan sa loob ng sariling bahay nito si Donn Carlos Bagadiong, guro sa Catanduanes National High School habang nasa ‘di kalayuan ang butcher’s knife na ginamit sa krimen.
Minabuting hindi na muna pangalanan ang 18-anyos na suspek na kasalukuyang isinasailalim sa ilang kaukulang proseso kaugnay ng pagkakaaresto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCpl. Lisa Millete, tagapagsalita ng Virac PNP, dakong ala-1:20 madaling-araw ng Lunes nang magtungo sa himpilan ang suspek kasama ang kapatid nito.
Nakarating umano kasi sa pamilya ng binata ang umano’y ilang pulis na naghahanap dito kaya’t minabuting maki-usisa sa mga otoridad.
Makailang beses pang itinanggi ng binata ang kaugnayan sa guro subalit napaamin na nitong Oktubre lamang sila nagkakilala.
May binabanggit rin aniya ang suspek na dinepensahan lamang ang sarili dahil mismong si Bagadiong umano ang unang nanutok ng kutsilyo.
Subalit, hindi na muna binigyang-tuon ang ilang pahayag nito lalo na’t hinihintay pa sa ngayon ang tatayong legal counsel ng suspek.
Inaasahang maisasampa na ang kaso laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceeding.