-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Grupo ng Daesh-inspired Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinuro ng militar sa pananambang kay South Upi Mayor Reynalbert Insular.

Ito ang kinomperma ni 6th Infantry (Kampilan) Division Spokesperson Lieutenant Colonel Anhouvic Atilano.

Matatandaan na nasawi sa pananambang ang sibilyan na si si Thelmo Divinagracia Sasi na nakisakay sa convoy ni Mayor Insular.

Sugatan naman sina King Sasi, John Andro Tumbaga at Pao Dalimbang.

Galing ang convoy ni Mayor Insular sa pamimigay ng relief goods sa mga bakwit sa Brgy Itaw South Upi na lumikas sa pagsalakay ng BIFF at engkwentro ng militar.

Ngunit pagsapit nila sa Sitio Sukob Barangay Pandan sa bayan ng South Upi ay doon na sila tinambangan ng grupo ni Kumander Guila ng BIFF.

Lumaban ang mga security escorts ni Mayor Insular at dumating ang mga sundalo kasama ang mga Cafgu kaya umatras ang BIFF.

Mariin namang itinanggi ni Kumander Guila na wala siyang kinalaman sa pananambang kay Mayor Insular.

Umaabot na rin sa pito ang nasawi sa BIFF sa inilunsad na air to ground assault ng militar sa South Upi Maguindanao.