-- Advertisements --

Nanggaling umano sa Pakistan ang pangunahing suspek sa nangyaring pananaksak sa Paris, France malapit sa French satirical magazine na Charlie Hebdo.

Ayon kay French Interior Minister Gérald Darmanin, sa kasalukuyan ay patuloy ang beripikasyon ng mga otoridad sa karagdagan pang detalye sa background ng suspek matapos ang pag-atake na nag-iwan ng dalawang sugatan.

Kinumpirma rin ng opisyal na itinuturing nila ang insidente bilang isang “act of Islamist terrorism.”

Samantala, bagama’t hindi pinangalanan ang mga biktima, kapwa raw empleyado ang mga ito ng French documentary production firm na Premières Lignes, ayon sa company founder na si Paul Moreira.

Sinabi pa ni Moreira, inatake raw ang mga biktima gamit ang isang tila cleaver sa harap ng opisina.

Inilahad naman ng isang police spokesperson na wala man sa peligro ang buhay ng dalawa, nasa malubhang kondisyon naman daw ang mga ito. (CNN)