GENERAL SANTOS CITY – Umaalma ngayon ang pamilya ng subject ng search warrant operation matapos itong mapatay makaraang manlaban umano sa mga otoridad.
Una rito, isinagawa ang nasabing operasyon kaugnay sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, alas-12:20 kaninang madaling araw sa Gensanville Subdivision, Brgy Bula sa lungsod ng GenSan.
Pinasok ng pinag-isang pwersa ng kapulisan ang pamamahay ng target na si Jason Jamson alyas Jason Burn, nasa wastong gulang.
Sa inisyal nga report, pagdating ng mga otoridad ay kaagad umanong nagpaputok ng armas ang suspek dahilan upang magkaroon ng palitan ng putok.
Tinamaan si Jamson at dinala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival.
Narekober naman sa kaniyang pamamahay ang dalawang caliber .45 pistol at apat na 9mm pistol.
Nakumpiska rin ang anim na sachet ng pinaniniwalaang shabu na may estimated market value na P140,000; mga drug paraphernalia, at cash na umaabot sa P90,000.
Subalit sa panayam ng Bombo Radyo, mariing itinanggi ng ina ni Jamson ang mga alegasyon ng kapulisan laban sa suspek at iginiit na ang mga otoridad mismo ang nagtanim ng ebidensya upang idiin ang anak.
Gayunman inamin din nito na dating gumagamit na pala ng iligal na droga ang anak noong kabataan nito.
Samantala, hinihintay pa ang magiging statement ng Bula Police Station kaugnay ng nasabing operasyon.