GENERAL SANTOS CITY – Patay ang lider ng Ansar al-Khilafah Philippines Nilong Maguid group matapos umanong manlaban sa mga otoridad nitong nakalipas na Huwebes ng umaga.
Kinilala ni Lt. Col. Lino Capellan, spokesperson ng Police Regional Office-12 ang napatay na si Saidon Kabot Nilong na residente ng Lapu, Barangay Bentung, Polomolok South Cotabato.
Dagdag ni Capellan, nahaharap sa maraming kaso kagaya ng murder, frustrated murder matapos ang serye ng pambobomba.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya na nagtatago ang high value target na si Nilong sa Barangay Tabungao, Rajah Buayan, Maguindanao kaya’t nakipag-ugnayan kay P/Capt. Zukarnain Kunakon, hepe ng pulisya sa lugar.
Nakipagtulungan din si Lt. Col. Elmer Bongaling, commanding officer ng 33Infantry Battalion para isilbi ang warrant of arrest .
Subalit bigla umanong nakipagbarilan ang suspek sa mga otoridad na nagresulta sa pagkamatay nito.
Narekober sa lugar ang ilang bahagi ng IED components, abono at tatlong M16 magazines.
Si Nilong ang itinurong suspek sa serye ng pambobomba sa mga lugar sa rehiyon dose.