-- Advertisements --

Iniulat ni Department of the Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. na arestado ng kapulisan ang suspek sa naganap na shooting incindet sa EDSA-Ayala Tunnel sa Makati City na kumitil sa buhay ng isa pang driver.

Sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw ay kinilala ni Sec. Abalos ang suspek sa ngalan na Gerard Yu na isang negosyante na naaresto na rin sa tulong mga naging pahayag ng mga testigo, CCTV footages, at iba pang ebidensya tulad ng positibong paraphin test, at nag-match na basyo ng baril.

Sa ulat, gitgitan lamang sa kalsada o road rage mula sa kahabaan ng Kalayaan ave. hanggang sa Ayala Tunnel na kalauna’y nauwi na sa madugong pamamaril.

Dead on the spot ang biktima na tinatayang may edad na 40 hanggang 50 taong gulang matapos na magtamo ng tama ng bala sa balikat na tumagos naman sa kaniyang leeg.

Agad na nirespondehan ng iba pang mga motorcycle rider ang pasaherong babae at sanggol na sakay ng biktima na napag-alamang nanggaling pa sa BGC noong mga panahong nangyari ang insidente.

Nagawang makatakas agad ng naturang suspek pagkatapos ng kaniyang ginawang krimen ngunit naaresto rin kaninang umaga sa bahagi ng Riverside, Pasig City.

Samantala, sa ngayon ay hawak na ng mga otoridad ang nasabing suspek at bukas ay inaasahang sasampahan na ito ng reklamong murder kaugnay pa rin sa naturang krimen.