-- Advertisements --

(2nd Update) Napatay na ng mga miyembro ng security forces ang sundalong kumitil sa buhay ng 26 katao sa isang gun rampage sa siyudad ng Nakhon Ratchasima sa Thailand.

Ayon sa mga otoridad, napaslang na ng mga pulis ang 32-anyos na si Jakrapanth Thomma nitong Linggo ng umaga, ilang oras matapos ang pumalpak na raid sa Terminal 21 mall sa lungsod.

Na-rescue na rin ng mga commando ang walong indibidwal na binihag ng sundalo kung saan ang ilan dito ay sugatan.

Kinumpirma ni Public Health Minister Anutin Charnvirakul ang pagkamatay ng suspek sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.

Sinabi naman ni Thai Prime Minister Prayuth Chan-ocha, na nagtungo sa ospital upang dalawin ang mga sugatan, pumalo sa 26 ang patay at 57 ang sugatan sa insidente.

“It is unprecedented in Thailand, and I want this to be the last time this crisis happens,” wika ni Prayuth.

Nagsimula ang insidente dakong alas-3:00 ng hapon nitong Sabado (local time) nang mamaril si Jakrapanth sa isang bahay bago magtungo sa military base at sa mall.

Sa loob ng kampo ay pinatay din ni Jakraphanth ang kanyang commanding officer bago magnakaw ng mga armas.

Inihayag ni Prayuth na ang pagkadismaya ni Jakraphanth matapos umano itong maloko sa isang property deal ang motibo sa pang-aatake.

Nag-post din daw sa kanyang social media accounts si Thomma sa kalagitnaan ng pag-atake, kung saan nagtanong pa raw ito sa Facebook kung susuko ito sa mga otoridad.

Isang araw naman bago ang insidente, nag-post din ito sa Facebook kung saan nakasaad na: “Death is inevitable for everyone.”

Ibinahagi rin nito sa kanyang social media account ang isang larawan kung saan makikita ang kanyang kamay na may hawak na baril. (BBC/ Al Jazeera)