Nakaamba ngayong maitiwalag bilang miyembro ng National People’s Coalition (NPC) si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Nakatakda kasing magpulong ang provincial council ng National People’s Coalition (NPC) sa Tarlac para pag-usapan ang mga mungkahi para mapatalsik si Mayor Guo mula sa partido, ayon kay NPC chairman at dating Senate president Vicente “Tito” Sotto III.
Aniya, karamihan sa mga mayor ng Tarlac ay miyembro ng kanilang partido.
Nauna naman ng sinabi ng NPC chairman na ang pambansang konseho ng naturang partido ang siyang magdedesisyon sa magiging kapalaran ng alkalde sa partido batay sa magiging rekomendasyon ng NPC Tarlac.
Matatandaan na naghain si Mayor Guo ng kanyang kandidatura bilang isang independent candidate noong Mayo 2022 elections at sumali sa NPC pagkatapos niyang manalo.
Noong nakaraang buwan naman, iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagpapatalsik kay Guo sa partido kung saan miyembro din siya sa gitna na rin ng mga alegasyon na nagdadawit sa alkalde sa mga kriminal na aktibidad na kinasasangkutan ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanyang munisipalidad.
Si Guo ay kasalukuyan ngang iniimbestigahan ng Senado sa gitna ng umano’y pagkakasangkot niya sa mga operasyon ng Zun Yuan Technology Incorporated, isang POGO entity na ni-raid noong Marso para sa umano’y ilegal na aktibidad sa loob ng compound ng Baofu Land Development Inc. na matatagpuan sa likod lamang ng Bamban Municipal Hall.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros , kabilang ang alkalde sa mga incorporator ng Baofu base sa mga dokumento ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Naging kwestyonable din ang nasyonalidad ng alkalde na sinasabing Chinese national at hindi Pilipino dahilan para lumutang ang posibilidad na espiya o asset ito ng China.
Subalit una naman ng pinabulaanan ni Mayor Guo ang mga paratang laban sa kaniya at naninindigan din na siya ay Pilipino at hindi espiya ng China.