Nakatakdang sampahan ng mga kasong human trafficking si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at kanyang mga kasabwat ngayong linggo.
Ipinaliwanag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio na maaaring maging liable ang suspendidong alkalde sa nasabing kaso dahil mayroon itong partial ownership sa properties kung saan nangyari ang umano’y mga aktibidad ng human trafficking sa ni-raid na POGO hub sa Bamban.
Kayat kumpiyansa umano sila na maihahain ang human trafficking charges laban sa alkalde.
- Bamban Mayor Alice Guo, sumulat ng clarification letter sa Malakanyang; hirit ang patas na imbestigasyon ng PAOCC
- Mayor Alice Guo, sasampahan ng PAOCC ng kasong kriminal na walang piyansa kaugnay sa ilegal na operasyon ng POGO sa Bamban
Binanggit din ni Casio ang isang probisyon sa ilalim ng anti-human trafficking law na nagpapataw ng parusa sa mga may-ari ng mga gusali at properties na nagpapahintulot na gamitin ito para sa aktibidad ng human trafficking.
Paliwanag ng opisyal na bagamat sinabi ni Mayor Guo na ibinenta na niya ang kaniyang Baofu land share bago pa man tumakbo sa pagka-alkalde noong 2022, mayroon pa rin siyang pagkakasala dahil siya ang lumagda sa lease contracts sa pagitan ng ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na Zun Yuan Technology Inc. at realty estate company na Baofu Land Development Inc. na nagmamay-ari ng compound na inokupa ng POGO.
Kung matatandaan, una ng inamin ni Mayor Guo na isa siya sa dating incorporator ng Baofu.
Samantala, sa ngayon, tinitignan din ng PAOCC ang iba pang posibleng mga kaso kaugnay sa money laundering gayundin ang maaaring minor charges.