Ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na naghuhukay ng Yamashita treasure sa loob ng compound ng New Bilibid Prison si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.
Sinabi ni Remulla na si Bantag ang personal na nagsabi sa kanya tungkol sa paghahanap ng Yamashita treasure noong Agosto o Setyembre.
Pinayuhan niya si Bantag na itigil kaagad ang paghuhukay.
Ang paghuhukay at lagusan ay unang ibinunyag ni BuCor OIC Gregorio Catapang, Jr noong nakaraang linggo.
Ang butas ay nasa humigit-kumulang 200 meters by 200 meters wide at 30 meters deep.
Sinabi ni Catapang na wala itong papeles at hindi awtorisado ng bureau.
Gayunpaman, kinumpirma niya na ang mga kagamitan, partikular ang backhoe na ginagamit sa paghuhukay, ay pag-aari ng BuCor.
Ang paghuhukay, na diumano ay nagsimula 6 na buwan na ang nakakaraan, ay ginawa ng lihim na may inutusan ang backhoe operator na dalhin lamang ang backhoe sa main gate ng NBP.
Nauna nang idinepensa ni suspended BuCor chief Gerald Bantag na ang paghuhukay ay inilaan upang makagawa ng isang malalim na swimming pool dahil siya ay isang scuba diver.
Itinanggi naman ni dating Justice Secretary at kasalukuyang Solicitor General Menardo Guevarra ang kaalaman tungkol sa paghuhukay at lagusan sa national penitentiary.