CEBU CITY – Ibinunyag ni suspended Cebu City Mayor Mike Rama na magbibitiw na sana sa pwesto bilang chairman ng Partido Demokratiko Pilipino si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang naging sagot ni Rama nang tanungin kung ano na ang estado ng partido bilang naging interim president ng PDP at kasalukuyang Vice President for the Visayas.
Sinabi pa ni Rama na naisipan umano ito ng dating Pangulo upang magpokus na lamang sa kanyang adbokasiya na walang sinuman ang dapat maglapastangan sa konstitusyon.
Pagbabahagi pa nito na pinayuhan pa umano niya si Duterte na manatili lang at ibibigay umano nila ang kanilang pagsuporta.
Aniya, malinaw pa umanong susuportahan niya ito kung ang isyu ay laban sa People’s initiative dahil lagi naman umano siyang para sa constitutional convention.
Pagbabahagi pa ng suspendidong opisyal na nang makausap nito noong nakalipas na araw si dating Pangulong Duterte, nagkaroon sila ng talakayan ng ilang bagay.
Inanunsyo din ni Rama na nakatakda silang magkaroon ng assembly ngunit inaalam pa nila kung saan nila ito gaganapin.