Hindi kwalipikadong maging state witness si suspended Bamban Mayor Alice Guo kaugnay sa mga nabunyag na mga ilegal na operasyon ng Philippine offshore gaming operator (POGO) hubs ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Paliwanag ni PAOCC spokesman Winston Casio na premature o maaga pa para pag-usapan kung maaaring maging state witness si Guo dahil lumalabas sa mga ebidensiyang kanilang nakalap na direktang sangkot si Guo sa mga ilegal na aktibidad ng ni-raid na 2 ilegal n POGOs sa Zun Yuan Technology Inc. sa Bamban at Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Saad pa ng PAOCC official na si Guo ang isa sa pinaka-guilty kaugnay sa operasyon ng human trafficking at scamming sa Bamban at posible din sa Porac.
Kayat para maging state witness umano si Guo dapat ito ay least guilty pero base nga aniya sa mga ebidensiya, ang suspendidong alkalde ng Bamban ang may pinakamalaking responsibildiad sa naturang mga ilegal na POGO.
Subalit, inihayag din ng PAOCC na kanilang ikokonsidera na gawing state witness si Guo kung maituturo nito ang indibidwal na mas mataas sa kaniya na nasa likod ng nasabing krimen.
Matatandaan na una ng hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian si Guo na isiwalat ang “main players’ sa likod ng illegal POGOs sa bansa.