-- Advertisements --
image 182

Pinabulaanan ng nasuspending administrator ng National Irrigation Administration (NIA) na si Benny Antiporda ang mga reklamo laban sa kaniya ng ilang opisyal at empleyado ng ahensiya.

Depensa ni Antiporda na ang mga paratang laban sa kaniya ay motivated lamang ng kaniyang mahigpit na kampaniya laban sa katiwalian sa ahensiya.

Una rito, naghain ng complaint ang ilang mga opisyal at miyembro ng NIA Employees Association of the Philippines laban kay Antiporda dahil umano sa pagbabanta nito na hindi i-renew ang kanilang appointments kung hindi papanig o sasang-ayon ang mga ito sa kaniyang mga polisiya.

Inakusahan din kalaunan si Antiporda ng paggamit ng “bootlicking” bilang basehan ng promosyon at paggamit ng flag ceremonies bilang lugar para sa kaniyang pambubully at fake news.

Pinaratangan din ng mga complainants si Antiporda ng pag-misled nito sa Pangulo kung saan tinalakay nito ang pagpapatubig ng NIA sa lahat ng farmlands kasama ang Public Private Partnership (PPP) gayong mandato naman talaga ng pamahalaan ang pagpapatubig at hindi negosyo.

Kaugnay nito, ipinag-utos naman ng Officer of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension without pay kay Antiporda upang ma-secure ang mga dokumentong kailangan at maiwasan ang posibleng harassment sa mga testigo.

Napag-alaman din ng Ombudsman na may merito sa reklamong inihain laban kay Antiporda matapos ang masusing evaluation ng records kung saan nakitang guilty si Antiporda sa Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, and Oppression na maaaring magresulta sa pagkatanggal nito mula sa serbisyo.