-- Advertisements --

Inihayag ni suspended Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil na handa siyang harapin sa tamang forum ang reklamong inihain laban sa kaniya kaugnay sa ilegal na operasyon ng POGO hub na Lucky South 99.

Aniya buo ang kanilang tiwala na mananaig ang katotohanan at katarungan.

Subalit ayon sa suspendidong alkalde hindi pa nito natatanggap sa ngayon ang kopiya ng reklamo na inihain ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at PNP-CIDG.

Aniya, nalaman lamang niya ang kaugnay sa naturang reklamo sa pamamagitan ng media subalit hindi pa natatanggap ang opsiyal na kopiya ng naturang asunto.

Samantala, maliban kay Capil, ang iba pang respondents sa naturang complaint ay sina Porac Business Permit and Licensing Office head Emerald Salonga Vital, Municipal Vice Mayor Francis Tamayo, at 7 pang Sangguniang Bayan members.

Matatandaan na nauna ng sinuspendi ng Office of the Ombudsman sina Capil dahil sa umano’y gross neglect of duty matapos akusahan sila ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kawalan ng aksiyon at hindi paggampan sa kanilang tungkulin dahil pinahintulutan nilang maipagpatuloy ang operasyon ng naturang POGO sa kanilang bayan.